Nagpapatuloy pa ang serye ng rigudon sa hanay ng Philippine National Police (PNP) mahigit isa’t kalahating buwan bago tuluyang magretiro si PNP Chief P/Gen. Camilo Cascolan sa buwan ng Nobyembre.
Ito’y makaraang i-anunsyo ng PNP ang rigudon sa lima pang heneral ang inilipat ng puwesto bunsod na rin ng pagreretiro ng mga senior officer nito.
Itinalaga ni Cascolan bilang bagong pinuno ng civil security group si p/Mgen. Israel Ephraim Dickson kapalit ni P/Mgen. Roberto Fajardo na pormal nang nagretiro nitong Biyernes, Setyembre 18.
Papalit sa nabakanteng posisyon ni Dickson sa Directorate for Integrated Police Operations (DIPO) – Visayas si P/Bgen. Manuel Abu na mula sa pagiging regional director ng Police Regional Office – Bangsamoro Autonomous Region (PRO-BAR).
Papalit naman kay Abu sa PRO-BAR si P/Bgen. Samuel Rodriguez na nagmula sa Directorate for Information & Communications Technology Management Service (DICTM).
Si P/Bgen. Daniel Mayoni na mula sa directorate for Police Community Relations ang papalit kay Rodriguez sa iniwang puwesto nito sa DICTM.
Habang itinalaga naman bilang deputy director for police community relations si P/Bgen. Julius Lagiwid at itinalagang executive officer naman ng nasabing tanggapan si P/Col. Eric Noble.
Una rito, umupo na rin si P/Bgen. Romeo Caramat bilang director ng Caraga PNP bilang kapalit ng nagretiro nang si P/Bgen. Joselito Joyet Esquivel kamakalawa.
Habang si P/Bgen. Bernabe Balba naman ang bagong direktor ng Special Action Force (SAF) nitong Martes kapalit ni P/Bgen. Clifton Empizo na ngayo’y itinalaga na sa DIPO Southern Luzon.