Inaasahan ang panibagong rollback sa presyo ng produktong petrolyo bukas, araw ng Martes.
Ayon sa ilang taga-industriya, 50 centavos hanggang 60 centavos ang maaaring ipatupad na tapyas-presyo sa kada litro ng diesel.
Habang 10 centavos hanggang 20 centavos sa kada litro ng gasolina at 67 centavos naman sa kada litro ng kerosene.
Sinabi naman ni Department of Energy – Oil Industry Management Bureau Director Rino Abad na posible na mas mababa sa piso ang ipatupad na bawas-presyo sa oil products.
Karaniwang inaanunsyo ng mga kumpanya ng langis ang price adjustments tuwing Lunes at ipinatutupad ito sa susunod na araw.
Samantala, nakaamba namang tumaas ang presyo ng Liquefied Petroleum Gas (LPG) sa pagpasok ng buwan ng Nobyembre.
Batay sa mga taga-industriya, ito’y dahil sa pagsirit ng demand bunsod ng bawas sa produksyon ng OPEC countries at pag-uumpisa ng taglamig o winter months sa Europa.