Nilinaw ng Manila Electric Company o MERALCO na hindi pa epekto ng Tax Reform for Acceleration and Inclusion o TRAIN Law ang panibagong pagtataas ng singil sa kuryente ngayong Pebrero at sa Marso.
Ayon kay Joe Zaldarriaga, Spokesman ng MERALCO, maliban sa marami pang lumang imbentaryo ang ilang mga planta ng kuryente, karaniwang sa singil sa transmission ito ipinapataw.
Ipinaliwanag ni Zaldarriaga na kalimitang bumababa ang singil sa kuryente sa pagtatapos ng taon tulad ng syamnapung sentimong (P0.90) rollback nila nitong Disyembre at Enero kapag hindi nagagamit ang outage allowance na nakasaad sa kontrata nila sa mga planta ng kuryente.
Ngayong Pebrero aniya ay bumalik na sa normal ang presyuhan kaya’t nagkaroon ng pagtaas.
At upang hindi aniya masyadong maging mabigat ang piso at walong sentimong (P1.08) dagdag singil, minabuti nilang ipatupad ang pitumpu’t limang sentimong (P0.75) increase ngayong Pebrero at tatlumpu’t tatlong sentimo (P0.33) naman sa Marso.
Ibig sabihin, madadagdagan ng one hundred fifty pesos (P150) ang babayarang kuryente ngayong Pebrero ng mga kumokonsumo ng 200 kilowatt hour.
—-