Magpapadala ang Commission on Human Rights (CHR) ng panibagong team sa Davao, sa Setyembre 23 hanggang 25 upang magsagawa ng public inquiry hinggil sa mga karahasan sa Mindanao.
Ito ay sa pagpapatuloy ng kanilang imbestigasyon sa pagpatay sa mga Lumad.
Samantala, nanawagan din si Gascon sa publiko na igalang ang karapatang pantao at huwag nang hayaan na maulit ang mga nangyari noong panahon ng Martial Law.
“Panawagan natin sa mamamayan ay patuloy nating pangalagaan ang karapatang pantao at huwag manumbalik ang dating sistema ng batas military.” Ani Gascon.
Tukuyin agad ang salarin
Mariing kinondena ni Human Rights Commissioner Chito Gascon ang pagpatay sa mga lider ng Lumad sa Surigao del Sur.
Ito ay matapos ang kanilang pakikipag-dayalogo sa ilang miyembro ng pamilya ng mga biktima, nitong nakaraang linggo.
Iginiit ni Gascon na bagamat patuloy pa ang kanilang imbestigasyon, kanilang ikinukunsiderang extrajudicial killings ang pagpatay, lalo pa at paramilitary forces ang itinuturong sangkot dito.
Binigyang diin ni Gascon na ang may karapatan lamang na magdala ng armas ay ang mga pulis at sundalo.
“Bagamat patuloy po ‘yung mga imbestigasyon ay kinokondena natin itong mga pagpatay sapagkat ito po ay extrajudicial killings, ang panawagan namin sa pamahalaan partikular sa DOJ ay tukuyin ang mga salarin at arestuhin at agad-agad iharap sa hukuman.” Pahayag ni Gascon.
By Katrina Valle | Ratsada Balita