Pinuri ng isang maritime expert ang inilabas na pahayag ng Department of Foreign Affairs (DFA) kahapon kaugnay sa paninindigan ng Pilipinas sa naipanalong Arbitral Ruling noong 2016 sa China sa isyu ng West Philippine Sea (WPS).
Sinabi ni Prof. Jay Batongbacal, direktor ng UP Institute of Maritime Affairs and Law of the Sea, indikasyon ito ng pagiging matapang ng bansa sa ginagawang panggigiit ng China.
Aniya, para maresolba ang hidwaan sa WPS ay kailangan nitong sumunod na naaayon sa batas.
Iminungkahi naman ni Batongbacal sa Marcos administration na huwag gayahin ang naging polisiya ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Aniya, masyado nang naging mapagbigay si Duterte sa China kung kaya‘t nagagawa nito ang mga gusto nilang gawin sa WPS.