Pinag-aaralan ng ride hailing service na Grab Philippines ang pagpapataw ng multa o paniningil sa mga pasaherong nagkakansela ng kanilang mga bookings.
Ayon kay Grab Philippines Country Head Brian Cu, ilan sa kanilang mga drivers partners ang humihiling na pagbayarin ang mga pasaherong ilang beses na nagkakansela ng bookings tulad ng ipinatutupad noon ng transport network company na Uber.
Gayunman tiniyak ni Cu na kanilang masusing pag-aaralan ang patakarang gagamitin sa nasabing panukala at hihintaying maaprubahan muna ito ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board o LTFRB bago nila ipatupad ang paniningil.
Una rito, natalakay naman sa pagdinig ng LTFRB kaugnay ng dalawang pisong kada minutong travel time charge ng Grab ang panukalang i-blacklist ang mga pasaway na riders o pasahero sa lahat ng mga TNCs.
Ayon kay LTFRB Board Member Aileen Lizada, hindi maipagkakailang may mga pasaway na pasahero kaya nakatakdang magpalabas aniya ng common protocol ang mga TNCs laban sa mga ito kabilang ang mga naninira ng sasakyan at nambabastos ng mga drivers.
Magugunitang, sa gitna ng usapin hinggil sa mataas na singil, mga bastos at pagkakansela ng booking ng ilang mga Grab drivers napaulat din ang mga insidente ng pang-aabuso ng ilang mga pasahero sa mga ito tulad ng panghihipo umano ng isang pasahero.
—-