Binatikos ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines o CBCP ang ginawang paninira ng Maute Group sa isang simbahan sa Marawi City.
Ayon kay Marawi Bishop Edwin dela Peña, malinaw na ang ginawang panununog at pagsira sa mga santo dito ay pambabastos sa pananampalatayang Kristiyano.
Aniya, hindi katanggap- tanggap ang ginawa ng naturang teroristang grupo dahil maituturing itong gawa ng demonyo.
Kaugnay nito, tinawag naman ni ARMM o Autonomous Region in Muslim Mindanao Governor Mujiv Hataman na un-islamic o hindi naaayon sa turo ng Islam ang ginawa ng mga Maute.
Ayon kay Hataman, malaki ang posibilidad na ginawa ito ng grupo upang lumabas na away relihiyon ang kanilang ginagawa at malayo sa anggulong terorismo.
Sa kabila nito, hinikayat ni Hataman ang Muslim at Kristiyano na magkaisa sa panahon na ito at huwag hayaan na manaig ang plano ng Maute Group.
Kalat na nga sa social media ang video footage habang sinisira ng mga miyembro umano ng Maute Group ang mga imahen at krus sa loob ng Saint Mary’s Cathedral sa Marawi City.
Ipinakita ang video footage na kuha umano ng teroristang grupo nang kanilang salakayin ang simbahan noong Mayo 23.
Hindi rin nakaligtas ang mga larawan nina Pope Francis at Pope Emeritus Benedict XVI na kanila namang pinunit.
Ayon kay Marawi Bishop Edwin dela Peña sa St. Mary’s Cathedral dinukot din ng mga bandido si Fr. Chito Suganob at ang kanyang mga kasamahan.
Mariin anyang kinokondena ng Simbahang Katolika ang paninira ng mga terorista na tinawag niyang blasphemy o kalapastangan sa Diyos at gawain ng diyablo.
By Rianne Briones / Drew Nacino
Paninira ng Maute sa isang simbahan sa Marawi kinondena was last modified: June 7th, 2017 by DWIZ 882