Resulta lamang ng paninira ng oposisyon ang kumakalat na ulat na umano’y pinakamahal ang sinovac sa anim na brand ng bakuna kontra COVID-19.
Ito ang inihayag ni Presidential Spokesperson Secretary Harry Roque, sa harap ng ginagawa nang pagbili ng bansa ng Sinovac COVID-19 vaccine mula China.
Giit ng kalihim, mid-range o nasa gitna lamang ang halaga ng bakunang ito, taliwas sa paratang ng mga taga-oposisyon na mahal at hindi umano ito gaanong mabisa.
Bwelta ni Roque, walang katuturan ang nginangawa ng mga kritikong ito, lalo na’t napatunayan na sa ibang bansa gaya ng Turkey at Indonesia na nasa 91.25% ang efficacy rate ng Sinovac.
Mismong si Indonesian President Joko Widodo nga ani Roque, ay nagpabakuna gamit ang Sinovac kabilang na ang health minister ng Turkey. — ulat mula kay Jopel Pelenio (Patrol 17)