IGINIIT ng More Electric and Power Corporation (More Power) na simpleng akusasyon lamang na walang basehan ang naunang pahayag ni ACT Teachers Partylist Rep France Castro na dapat managot ang kompanya sa naranasang malawakang blackout sa Panay Island.
Ayon kay More Power President at CEO Roel Castro, mahirap sagutin ang bintang ni Rep. Castro lalo’t wala naman aniya itong basehan.
“Mahirap sagutin ‘yung pahayag ni Rep Castro, sa tingin ko in fairness and with respect to Congressman she doesn’t understand the whole system and mahirap na po magrespond kung mali naman ang basis nila. It was just an accusation and walang basis,” paliwanag ni Castro.
Bagama’t una nang tinukoy ng Department of Energy (DOE) at Energy Regulatory Commission (ERC) na ang National Grid Corporation of the Philippines (NGCP) ang siyang may pagkukulang sa nangyaring blackout ay tanging si Rep. Castro ang nag-isyu ng statement na dapat ding isama sa mananagot sa insidente ang More Power.
Sa ginawang imbestigasyon ukol sa insidente, sinabi ni Energy Secretary Raphael Lotilla na ang dapat sisihin ay ang power grid operator o ang NGCP.
“To me, the main accountability is with them because it is NGCP that is tasked with maintaining the stability of the grid. The NGCP said it would finish the Panay-Negros-Cebu Interconnection Project in August 2023. And they were not! We are now in January and they promised this in August,” ani Lotilla.
Ang Panay ang ika-anim na pinakamalaking isla sa bansa na kinabibilangan ng mga probinsya ng Aklan, Antique, Capiz at Iloilo.
Ipinaliwanag naman ni More Power President Castro na bagama’t hindi maiiwasan na may ilang mga disturbances o problema sa sistema ay posibleng naiwasan sana ang pag-collapse nito at nangyaring total blackout kung agad nagkaroon ng pag-aksyon ang NGCP.
Aniya, alas-12:00 ng tanghali noong Enero 2 ay nasa 83 megawatts ang nawala mula sa grid system dahil nagkaroon ng shutdown ang isang planta at dapat naagapan ito subalit ang sumunud na nangyari ay nagkaroon ng sunod-sunod na shutdown ang anim pang planta.
Aminado rin si Castro na sa peak ng El Niño Phenomenon ay posibleng maulit ang kaparehong insidente kung mabibigo muli ang NGCP na proteksyunan ang buong grid system.
“Even if there is enough generating capacity, it’s possible na maulit [nang maulit] ang ganitong total blackout if the system operator will not be active or will not be working,” dagdag pa ng presidente ng More Power.