Sinampahan na ng mga kasong kriminal ang airport security screener na napaulat na nagnakaw ng pera mula sa isang Taiwanese national sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) kamakailan.
Gabi ng Huwebes, Agosto 30 nang ilagay ng Taiwanese na si Cheng Chun Shu ang kanyang dalawang hand-carry bags sa X-ray ng paliparan para sa screening.
Napansin umano ng pasahero ang isang airport screener na may kinukuha mula sa kanyang bag at saka ibinulsa ito.
May kasama rin daw ito na isa pang airport screener na kumuha rin ng isang pakete ng sigarilyo mula sa kabilang bag.
Hindi na nakapalag ang Taiwanese national dahil may hinahabol siyang flight ngunit nang bilangin umano sa eroplano ang perang inilagay sa bag ay kulang na ito ng 2,600 US dollars o higit sa P137,000.
Sa nakuhang CCTV footage ng airport police, makikitang may isinilid sa kanyang bulsa ang security screener na kinilalang si Security Screening Officer (SSO) Nievel Gorpe habang iniinspeksyon ang bag ni Cheng, kinilala rin ang kasama niyang naka-duty noong mga oras na iyon na si Security Screening Officer Reinelle Alvarez.
Watch how airport security screener stole the money of a Taiwanese pax, Both security screener are facing charges initiated by Airport authorities @dwiz882 @ppsamedia pic.twitter.com/6zV6pOA7t4
— raoul esperas (@raoulesperas) September 5, 2018
Lumalabas ngayon sa inisyal na imbestigasyon na nilabag ni Gorpe ang Standard Operating Procedure o SOP nang inspeksyunin ang bag ng pasahero na walang presensya nito.
Sa pahayag ni Office for Transportation Security (OTS) Administrator Usec. Arturo Evangelista sinabi nitong hindi niya papayagan ang anumang uri ng katiwalian sa kanyang ahensya.
Ayon kay Evangelista mananagot at diretso sa kulungan ang sinumang mapapatunayang nagkasala at gagawa ng mga iligal na gawain.
Aniya mahalagang isaisip ng bawat airport security screener ang kapakanan at kaligtasan ng mga pasahero.
Sa ngayon, patuloy na iniimbestigahan ng mga awtoridad ang insidente at inaalam kung may iba pang sangkot dito. —AR
(Ulat ni Raoul Esperas)