Pansamantalang ipagbabawal ng CHED o Commission on Higher Education ang pagsasagawa ng field trips at educational tours sa lahat ng pampubliko at pribadong kolehiyo at unibersidad sa bansa.
Ito’y matapos mapagkasunduan ng CHED En Banc na magpatupad ng moratorium sa mga field trip at educational tour kasunod ng nangyaring trahedya sa Tanay, Rizal na ikinasawi ng 15 katao.
Dahil dito, pinapayuhan ni CHED Commissioner Prospero De Vera ang pamunuan ng mga kolehiyo at unibersidad na maghanap ng alternatibong aktibidad, sa halip na field trip at educatinal tour.
Sinabi rin ni De Vera na inatasan na nila ang Bestlink College of the Philippines – Novaliches na magsumite ng incident report upang madetermina nila kung anong regulasyon ang nalabag ng nasabing paaralan.
“Yung CHED-NCR inutusan na ang Bestlink na mag-submit ng incident report sa komisyon para masimulan nang matignan kung meron bang violation sa CHED regulation, para sa akin itong aking hinahanap na moratorium at review ay hindi lamang patungo doon sa mga eskwelahan na gumagawa nito pero patungo rin sa CHED, panahon na para i-review din ng CHED ang kanyang mga reglamento, baka may kailangan nang baguhin, halimbawa ang NSTP kasi marami yang labas-labas sa klase, tapos meron yang survival training para sa disaster management, baka kailangan ang reglamento sa NSTP ay gawing iba sa mga reglamento sa 1-day field trip o educational tour.” Pahayag ni de Vera
By Meann Tanbio | Karambola (Interview)