Inihihirit ng dalawang ahensya ng gobyerno sa Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na pansamantalang suspendihin ang pagpapatupad ng “No Contact Apprehension Policy” sa mga pampublikong sasakyan para sa pagbubukas ng klase bukas.
Ayon sa Department of Transportation (DOTr) at Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB), nag-request na sila sa MMDA kaugnay rito dahil sa mas maraming bilang ng pasahero na inaasahan sa Metro Manila bunsod ng pagbubukas ng klase.
Sinabi pa ng DOTr na nagsumite sila ng letter of request sa MMDA habang naglabas naman ang LTFRB ng dalawang memorandum circulars na nagpapahintulot sa 33 buses, 68 jeepneys at 32 UV express na ruta.
Tiniyak naman ng MMDA sa DOTr na walang mahuhuling mga PUV dahil hindi pa ito naglalabas ng Certifcate of Public Convenience (CPC) para sa mga rutang bubuksan bukas.
Nilinaw rin ng MMDA na exempted ang PUVs sa kanilang number coding scheme pero iginiit nito na hindi sila exempted sa paglabag sa batas-trapiko.
Muli namang nagpaalala ang LTFRB sa mga drayber at operator ng pampublikong sasakyan na sundin ang mga polisiya sa kanilang franchise at provisional authorities.