Inirekomenda ng Batangas Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office kay Governor Hermilando Mandanas ang pansamantalang relokasyon ng mga mag aaral sa tatlong elementary schools sa Taal Volcano Island.
Ito ay dahil nakataas pa rin ang alert level 1 sa Taal Volcano na araw araw na ngayong nakapagtatala ng pagyanig.
Nitong nakalipas na November 4, dalawa sa volcanic earthquakes ay may lakas na intensity 1 at 2 at naramdaman sa Barangay Alas-as sa Bayan ng San Nicolas, Barangay Tibag at Barangay Pira Piraso sa Bayan ng Talisay.
Kabilang sa iminungkahing ilipat ang nasa mahigit 200 estudyante mula sa Calawit Elementary School, Pulo Elementary School at San Nicolas Elementary School.
Sinabi naman ni Mandanas na tatalakayin ang panukala at ang contingency plans ng pamahalaang panlalawigan sa isang emergency meeting sa susunod na linggo kasama ang mga opisyal at tauhan ng PHIVOLCS, Batangas PDRRMO, Provincial Engineer’s Office, Provincial Information Office, Municipal governments ng Balete, Talisay at San Nicolas sa Dream Zone, Capitol Site at Batangas City.