Walang banta ng anumang pag-apaw ang Pantabangan Dam sa Nueva Ecija sa gitna ng pag-ulang dulot ng bagyong Rolly.
Ayon sa National Irrigation Administration-Upper Pampanga River Integrated Irrigation System (NIA-UPRIIS), nasa 195.40 meters ang antas ng tubig dito o kulang pa ng 25.6 meters para umabot sa 221 meters na siyang spilling level ng dam.
Sinabi ni NIA-UPRIIS department manager, Engr. Rosalinda Bote na wala ring dapat ikabahala ang publiko dahil magpapalabas naman sila ng abiso sakaling magpapakawala sila ng tubig mula sa naturang dam.
Matatandaang umangat lamang ng apat na metro ang water level sa Pantabangan Dam nang dumaan ang mga bagyong “Pepito” at “Quinta” sa probinsya.