Hinikayat ng Teachers Dignity Coalition o TDC ang pamahalaan na tratuhin ng pantay ang mga state colleges and universities o SUCs.
Ayon kay Benjo Basas, Chairman ng TDC, layon nito na makaagapay ang iba pang SUC sa pamantayan ng Unibersidad ng Pilipinas.
Reaksyon ito ni Basas sa tambak na estudyante na nais makakuha ng slot para sa college entrance exam ng UP.
Normal aniyang dumagsa ngayon ang mga estudyante sa mga SUC dahil libre na ang college education.
“Sa inilabas na pag-aaral ng mga manager at employer, lumalabas na ang most preferred ng mga employer na unibersidad ay PUP which is a state university din no, ito ‘yung pinakamalaking system sa Pilipinas na pag-aari ng estado, isang isyu din ito na dapat lahat ng ating SUCs ay bigyan ng prayoridad, bigyan ng pagtingin, bigyan ng budget, kung paano tine-treat ng estado ang UP.” Ani Basas
Matatandaang, dinumog ng libu-libong senior high school student na naghahangad ng libreng edukasyon ang University of the Philippines-Diliman, Quezon City upang magsumite ng kanilang mga aplikasyon at maka-abot sa deadline ng UP-College Admissions Test o UPCAT, kahapon.
Nagsimulang dumagsa ang mga estudyante alas-10:00 pa lamang noong linggo ng gabi kaya’t kina-umagahan ay halos hindi mahulugang karayom ang mga aplikante sa Office of the University Registrar.
Bagaman may mga hinimatay dahil sa sobrang siksikan at pagod sa halos kalahating araw na pagpila, hindi nagpatinag ang libu-libo pang estudyante sa gitna ng init ng panahon.
Kahapon ang deadline ng aplikasyon mula sa mga private school student sa Metro Manila habang ang mga public school student sa National Capital Region ay maaaring magsumite ng kanilang aplikasyon hanggang Biyernes, Agosto 3.
Hanggang Biyernes, Agosto 10 naman pinagsusumite ng application ang mga regional private at public school student.—Drew Nacino
(Balitang Todong Lakas Interview)