Kamakailan lang, inanunsyo ni Department of Health Secretary Ted Herbosa na inaprubahan na ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang pagtatatag ng Universal Health Care Coordinating Council.
Matitiyak ng UHC Council ang mas epektibong implementasyon ng Universal Health Care Law na agad namang hinangaan ng netizens.
Nilagdaan ni dating Pangulong Rodrigo Duterte ang Republic Act No. 11223 o Universal Health Care Law noong February 20, 2019. Ang Universal Health Care Law ay isang malawakang reporma sa healthcare sector ng bansa. Sa ilalim ng nasabing batas, automatically enrolled ang lahat ng Pilipino sa National Health Insurance Program.
Mayroong two categories ng membership sa ilalim ng UHC Law: direct at indirect contributors.
Sa direct contributors, ang mga dati nang miyembro ng PhilHealth ay mananatiling miyembro—aktibo man o hindi. Ang hindi naman members ay itinuturing na ring kabilang sa programa dahil, sa ilalim ng nasabing batas, awtomatikong miyembro na ang lahat ng Pilipino. Sila ang tinatawag na indirect contributors.
Mas magiging epektibo ang pagpapatupad ng UHC Law dahil sa pag-apruba ni Pangulong Marcos sa pagkakaroon ng UHC Council. Ang UHC Council ang tutukoy sa sapat na pondong gagamitin upang magkaroon ng equitable healthcare ang lahat. Sisiguraduhin din nilang maipapatupad ang UHC Law hanggang sa local government level. Babantayan nila kung paano ginagastos ng LGUs ang pondo para sa healthcare.
Pangungunahan ng DOH ang UHC Council bilang council chair. Co-chair naman ang Department of the Interior and Local Government. Parte rin ng council ang PhilHealth, Department of Information and Communications Technology, Department of Finance, National Economic and Development Authority, Professional Regulation Commission, at Department of Budget and Management. Kasama rin dito ang Technical Education and Skills Development Authority (TESDA), Commission on Higher Education (CHED), at Department of Education (DepEd).
Sa pag-apruba ni Pangulong Marcos sa pagtatatag ng UHC Council, matitiyak na magkakaroon ang mga Pilipino ng de-kalidad at abot-kayang serbisyong pangkalusugan.