Nakatakdang magpatupad ng mga panukala ang Department of Agriculture upang protektahan ang consumers mula sa expired agricultural commodities na ibinebenta online.
Inihayag ni DA Spokesperson Kristine Evangelista na kailangang tutukan ang pagpapatupad ng mga panukala sa e-commerce lalo’t halos karamihan ng transaksyon ay digital na.
Tugon ito ni Evangelista matapos masabat ng d.a. ang nasa tatlundaang kahon ng expired na karne o botcha na nagkakahalaga ng halos kalahating milyong piso sa isang warehouse sa Tundo, Maynila.
Ayon kay Evangelista, paiigtingin ng kagawaran at attached agencies nito ang pagsisikap upang matiyak na tanging lehitimong sellers at producers ang makapagbebenta online.
Batay sa ulat, pawang walang certificate of inspection mula sa national meat inspection service ang mga botchang nakumpiska na nagmula sa Germany at Brazil na mayroong umiiral na meat import ban dahil sa banta ng african swine fever.
Nangangamba ang mga otoridad na ilang imported meat ang maaaring nabili na ng consumer matapos makatanggap ng mga ulat hinggil sa pagbebenta ng botcha online.