Tutol si Senate President Vicente Sotto III sa panukala ni Probinsiyano Ako partylist Representative Jose Singson na palawigin pa ng dalawang (2) taon ang probationary employment period mula sa kasalukuyang anim (6) na buwan.
Ayon kay Sotto, hindi tama ang nabanggit na panukala lalu’t malalaman naman aniya sa loob lamang ng isa hanggang dalawang buwan kung kuwalipikado ang isang manggagawa sa kanyang trabaho.
Sinabi ni Sotto, hindi siya tiyak kung makakalusot ang nasabing panukala sa Senado.
Una na ring sinabi ni Labor Secretary Silvestre Bello III na sapat na ang anim (6) na buwan para makita ang pag-uugali sa trabaho ng isang empleyado.
Habang masyado naman aniyang mahaba ang dalawang (2) taong probationary period na maaaring maabuso ng mga pasaway na employer.