Lusot na sa bicameral conference committee ang P3.7 trillion na panukalang national budget para sa taong ito.
2019 Budget inaprubahan na ng Bicameral Conference Committee.Nakatakda naman itong i-ratify ng Kongreso at Senado mamaya @dwiz882 pic.twitter.com/Ltf8kYSTMN
— JILL RESONTOC – DWIZ -882 AM radio (@JILLRESONTOC) February 8, 2019
Sa ginawang bicam sa Camp Aguinaldo, nilagdaan ng mga miyembrong kongresista at senador ang committee report maliban kay Senate Minority Leader Franklin Drilon samantalang absent naman si Senador Panfilo Lacson na inaasahang tututol din sa report.
Naniniwala sina Drilon at Lacson na nakapaloob pa rin sa bicam report ang mga kinu kuwestyong pork insertions.
Sa kaniyang opening speech, sinabi ni Senate appropriations committee chair Loren Legarda na ang panukalang 2019 national budget ay pro poor, pro development at pro Filipino.
Kaugnay nito, tiniyak ng Malakanyang ang mahigpit na pagbusisi sa bicam report ng 2019 national budget sa sandaling mapasakamay ito.
Ayon kay Secretary to the Cabinet Karlo Alexi Nograles, sisilipin ng Office of the President o OP ang bawat item ng final report ng bicam sa national budget at hindi malayong gamitin ng Pangulong Rodrigo Duterte ang veto power nito sa mga probisyon ng national budget na hindi umaayon sa batas kasama na ang mga hinihinalang pork barrel insertions ng mga mambabatas dahil ginawa na ito ng pangulo nuon.
Ayaw aniya ng pangulo na makuwestyon pa sa Korte Suprema ang national budget dahil sa lamang sa isyu ng pork barrel.