Malabo nang makapasa pa ang panukalang national budget para ngayong 2019 kung hindi magkakasundo ang mataas at mababang kapulungan ng Kongreso.
Sa Miyerkoles, nakatakdang mag-adjourn ang sesyon ng Kongreso bilang paghahanda sa pagsisimula ng election campaign sa Pebrero 12.
Gayunman, maaari pa ring mag-sesyon ang Kongreso hanggang Biyernes kung may nais silang ihabol na aaprubahan.
Subalit ayon kay Senador Panfilo ‘Ping’ Lacson, malabong pumasa ang panukalang budget kapag hindi nagkasundo sa anya’y hatian sa ‘pizza pie’ ang mga senador at kongresista.
Sinabi ni Lacson na tinawag niya itong ‘pizza pie’ dahil magmumula lamang sa iisang pie ang lahat ng re-alignments ng mga mambabatas.
Tinukoy ni Lacson ang mahigit limampu’t isang (51) bilyon piso o tig-animnapung milyong pisong alokasyon para sa mga kongresista.
Karagdagan lamang aniya ito sa isaandaang (100) milyon na nakalagay na sa budget proposal ng Malacañang.
Dito rin aniya kumuha ang mga senador sa individual at institutional amendments tulad na lamang ng dalawampu’t tatlong (23) bilyong piso para sa Department of Health (DOH).
Una nang sinabi ni Lacson na mayroon insertions ang ilang senador sa budget ng Department of Public Works and Highways (DPWH).
(Ulat ni Cely Bueno)