Matapos maudlot, nakalusot na rin sa Senate Sub-Committee on Finance ang proposed 5.22 billion peso budget ng Commission on Elections (COMELEC).
Sa ikalawang pagdinig ng kumite na pinangunahan ni Senador Imee Marcos, idinetalye ni COMELEC Chairman George Garcia na ibinaba nila sa 2.7 billion ang 10 billion pesos na hiling nilang dagdag-pondo para sa Barangay at Sangguniang Kabataan Elections.
Makaraang itakda sa October 2023 ang Barangay at SK Polls, humirit ang COMELEC ng dagdag na 10 billion pesos pero kinuwestyun ng mga senador.
Ayon kay Garcia, malaking bahagi ng hinihingi nilang budget increase ay para sa honorarium ng mga gurong magsisilbi sa halalan.
Aabutin anya ng isang milyon ang Board of Election Inspectors na magsisilbi sa nasabing eleksyon.
Samantala, umapela rin ang poll body chief sa senado ng dagdag-pondo para naman sa ipatatayo nilang sariling gusali upang makatipid sila ng 170 million pesos kada taon sa kanilang renta para sa kanilang mga tanggapan. —sa ulat ni Cely Ortega-Bueno (Patrol 19)