Kampante ang Kamara na maaaprubahan na sa ikatlo at huling pagbasa ang panukalang P5.2 Trillion peso National Budget para sa taong 2023 bago ang Setyembre a-30.
Ito ang inihayag nina House Majority Leader Manuel Jose Dalipe, Representatives Stella Quimbo at Margarita Ignacia Nograles matapos maagang ipasa sa Kamara ang panukalang pondo bago ang deadline sa Agosto 22.
Ayon kay Dalipe, maaga nilang ipinasa ang panukala upang magkaroon ng mahabang oras ang lahat na suriin itong mabuti.
Umaasa naman si Quimbo na sa Setyembre a-16 matatapos ng Committee on Appropriationsang pagdinig.
Ito’y upang mabigyan ng dalawang linggo ang plenaryo na magsagawa ng deliberasyon bago aprubahan sa final reading ang panukalang pondo.
Sa ngayon, naghahanda nang magsagawa ng pulong ang appropriations panel upang mapaghandaan ang deliberasyon sa 2023 budget.