Nakalusot na sa committee level ng Kongreso ang isang panukalang batas na naglalayong bumuo ng isang 35-hour working scheme bilang alternative work arrangement para sa mga empleyado sa pribadong sektor.
Sa isinagawang pagdinig ng House Committee on Labor and Employment na pinamumunuan ni 1-Pacman Rep. Enrico Pineda, bumoto pabor sa pag-apruba ng bill ni Albay Rep. Joey Sarte Salceda ang mayorya ng mga kasapi ng komite.
Batay sa panukala ni Salceda, binanggit na mahalagang paikliin ang working week ng mga manggagawa lalo na ngayong nagbabago ang labor market at tumitindi rin ang hirap na dinaranas ng sektor ng paggawa sa pagko-commute.
Gayunman, nilinaw sa bill ni Salceda na dapat ay voluntary basis ang pagpapatupad ng 35-hour working week arrangement o flexible working time, depende sa mapag-uusapan ng mga empleyado at ng kanilang employer.