Mas malawak pang konsultasyon ang kailangang gawin para sa panukalang gawing apat (4) na raw na lamang ang pasok ng mga manggagawa sa loob ng isang linggo.
Ayon kay Civil Service Commission Chairperson Alicia Bala, kailangan pang bumuo ng mga mekanismo para hindi maapektuhan ang serbisyo publiko lalo na sa mga empleyadong nasa front line services o yung araw-araw na nakaka-transaksyon ng mamamayan.
Mas matinding konsultasyon rin anya ang dapat gawin pagdating sa pribadong sektor dahil sa magkakaibang klase ng trabaho.
Sinabi ni Bala na hindi rin sapat ipagbawalang bahala ang posibleng epekto ng mas mahabang oras ng trabaho sa isang araw sa kalusugan ng mga manggagawa.
“May mga pros and con para sigurado na lahat ng anggulo ay ang batas o panukalang batas na ito ay talagang matugunan kasi mahirap kapag ito ay pumasa at mapirmahan ng ating Pangulo, doon magsimula na marami pala ang ayaw. Hindi lamang ang Civil Service Commission ang dapat mag-aral nito kundi bawat ahensya kasi hindi naman namin kaya ito, ang nakikita namin dito, makikipagtulongan, magtutulongan lahat ng ahensya at ano ba yung mekanismo”, ani Bala.
Ayon kay Bala, mayroon nang mga local government units ang nagpapatupad ng 4-day work week.
Pinapayagan anya ito ng komisyon subalit kailangang mayroong matinding dahilan para ipatupad ito.
Sinabi ni Bala na ang kanilang pagpayag ay nakabatay sa Executive Order o EO ni dating Pangulong Gloria Arroyo para sa 4-day work week noong 2008 bagamat limitado ito para sa nasabing taon.
Hindi anya nila ito puwedeng ipatupad ng malawakan dahil sa kakulangan ng batas.
“Merong issuance only for that year, pero ngayon there are local government units lalo na ‘pag summer na nanghingi ng permiso sa Civil Service. Inevaluate naman namin at naintindihan namin yung kanilang paghingi ng exemption, so, on highly meritorious situation or request, nagsimula na kasi may pinagmulan yung aral”, bahagi ng naging pahayag ni Civil Service Chairperson Alicia Bala sa panayam ng DWIZ.
By Len Aguirre | Ratsada Balita Program (Interview)