Inihain sa Senado ni Senadora Risa Hontiveros ang panukalang batas para sa absolute divorce.
Sa ilalim ng Senate Bill 2134 o Divorce Act of 2018 ni Hontiveros, maaaring maghain ng legal separation ang mag-asawa kung ang pagsasama ng mga ito ay sinisira na ng pisikal na pananakit at pang-aabuso.
Nakasaad din sa panukala na maaaring gamiting grounds sa divorce ang pagkakaroon ng psychological incapacity ng isa sa mag-asawa, irreconcilable differences, marital rape at paghihiwalay na mag-asawa nang hindi bababa sa limang taon.
Binigyang diin pa ng senadora bagama’t kinikilala ng pamahalaan ang pagiging sagrado, pagpapalakas at pagbibigay proteksyon sa pamilya, tungkulin pa rin nitong protektahan at itaguyod ang kapakanan ng isang indibiduwal.
Sinabi ni Hontiveros na ang kawalan ng batas para sa divorce sa bansa ay nakakaaepkto sa mga kababaihang karaniwang nabibiktima ng mga pang-aabuso mula sa kanilang mga asawa lalo na sa kanilang kalusugan.
Lumabas din aniya sa mga pag-aaral na hindi ang divorce o paghihiwalay ng mag-asawa ang nagiging dahilan sa pagkakaroon ng problema sa pagkatao ng mga anak kundi ang masaksihan ng mga ito ang hindi magandang pagsasama ng kanilang mga magulang.
—-