Iginiit ng Public Attorney’s Office (PAO) na dapat manatili ang operasyon ng kanilang forensic laboratories upang magbigay linaw sa ilang kasong dinidinig sa Korte.
Ito ang inihayag ni PAO Chief Atty. Percida Rueda – Acosta makaraang isulong ni Senate Minority Leader Franklin Drilon na tanggalan ng budget ang forensic division ng PAO.
Una nang sinabi ni Drilon na nagiging duplication lamang ang forensic investigation ng PAO sa Philippine National Police (PNP) gayundin sa National Bureau of Investigation (NBI) kaya’t mas maiging alisin na ito.
Pero giit ni Acosta, hindi naman sila nakikipagkumpetensya sa PNP at NBI bagkus, nakatutulong ito para patibayin ang kaso laban sa mga tunay na nagkasala at pahinain naman para sa mga inaakusahan lamang.
Maituturing aniyang pambalanse ang ginagawang forensic examination ng PAO sa mga kontrobersyal na kaso tulad ng kontrobersyal na dengvaxia na siyang nagsisilbing tagamulat sa publiko hinggil sa mga nangyayaring anomalya sa pamahalaan.