Aprubado na sa ikatlo at huling pagbasa sa kamara ang panukalang babaan ang height requirements sa mga aplikante ng Philippine National Police (PNP), Bureau of Fire Protection (BFP), Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) at Bureau of Corrections (BuCor).
Nasa 209 na kongresista ang pumabor sa House Bill 8261 o PNP, BFP, BJMP and BuCor height facility act.
Layon ng panukala na maamiyendahan ang Republic Act 6975 na nagtatakda ng minimum height requirement para sa civilian safety and security personnel na 1.62 meters sa kalalakihan at 1.57 meters sa kababaihan.
Nakasaad sa panukala na ibababa na sa 1.57 meters o 5’2″ para sa kalalakihan at 1.52 meters o 5′ naman sa kababaihan ang height requirement ng isang opisyal o miyembro ng mga naturang ahensya.
Gayunman, sa mga nagnanais maging kadete ng PNPA, mananatili sa 1.62 meters ang height requirement sa mga lalaki at 1.57 meters naman sa mga babae.
Inalis din ng panukala ang waiver sa height requirement para sa appointment bilang opisyal o kawani ng PNP, BFP, BJMP at BuCor ng mga taong napapabilang sa cultural communities o indigenous peoples.