Matapos sertipikahang urgent ni Pangulong Duterte, magkasunod na inaprubahan sa ikalawa at ikatlo at huling pagbasa ang House bill 6475 o ang Bangsamoro Basic Law o BBL.
Sa botong 226 YES, 11 NO at 2 abstention ay nailusot na rin sa Kamara ang BBL.
Sa ilalim ng BBL ay bubuwagin ang Autonomous Region in Muslim Mindanao at papalitan ito ng Autonomous Region of Bangsamoro o ARB.
Bago napagbotohan ang BBL, pinalitan ito ng substitute bill kung saan lahat ng probisyong napagkasunduan dito ay mula sa nakalipas na all member caucus.
Sa ilalim ng BBL, isang beses na lamang magkakaroon ng plebesito na isasagawa sa loob ng 90 days hanggang 120 days matapos pirmahan ng Pangulo bilang batas.
Magkakaroon ng sariling Bangsamoro Military Command at Bangsamoro Police pero ito ay sa ilalim pa rin ng AFP at PNP.
Hindi ito bubuuhin ng MILF pero bukas naman na mag-apply ang MILF members para maging sundalo at pulis.
Mananatili ang sistema ng Shariah court sa ARB at magkakaroon ng sariling Appelate Court pero pwedeng iapila ang desisyon ng mga ito sa Korte Suprema para sa pinal na hatol.
Nasa national government pa rin ang kontrol sa aspeto ng defense and external security, foreign policy, monetary policy, citizenship, naturalization, immigration at customs and tariff.
Magkakaroon ng block grant sa ARB mula sa national government para tulungan ito sa pag-unlad pero ito ay katumbas lamang ng 5% ng kita ng gobyerno kada taon.