Hihilingin ni House Speaker Pantaleon Alvarez na i-certify bilang urgent ang panukalang Bangsamoro Basic Law (BBL).
Ayon kay Alvarez, balak niyang kausapin si Pangulong Rodrigo Duterte bago mag-adjourn Sine Die ang Kongreso sa Mayo 30 para sertipikahang urgent ang BBL.
Tiwala naman ang Kongresista na maaaprubahan ang naturang panukala sa ikatlo at huling pagbasa bago ang pagtatapos ng 2nd regular session sa katapusan ng Mayo.
Samantala, pinag-usapan naman kahapon sa isinagawang caucus sa mababang kapulungan ang mga priority measure kasama na ang mga napagkasunduang probisyon sa BBL.
Gayunman, inihayag ni House Majority Leader Rodolfo Fariñas, na magpupulong pa ngayong araw ang liderato ng Kamara kasama ang Bangsamoro Transition Commission para magkasundo sa mga isyu sa ilalim ng nabanggit na bill.