Isinusulong ni Senator Risa Hontiveros ang panukalang batas na naglalayong gawing libre at kumpleto na 144 na dialysis sessions na kailangan sa loob ng isang taon ng mga senior citizen na may kidney disease.
Batay sa Senate Bill number 2053 o Free Dialysis for Senior Citizens Act of 2021 na, ire-imburse lahat ng dialysis sessions ng mga senior citizens na ginawa sa mga PhilHealth accredited hospitals or free-standing dialysis centers.
Sa ngayon kasi ay 90 dialysis sessions lang ang sinasagot ng PhilHealth pero nais ni Hontiveros na sagutin na o gawing libre na ang lahat ng 144 sessions na kailangang treatment sa loob ng isang taon.
Giit ng senadora ang dialysis ang nagiging lifeline ng maraming lolo at lola kayat makabubuting matulungan sila sa gastusin.
Isandaan tatlumpu’t limang libong piso (P135,000) anya ang halaga ng kumpletomg dialysis session kada taon samantalang P500.00 lang ang natatanggap na buwanang social pension ng mga lolo at lola habang hindi naman makalabas dahil sa health restrictions ang mga senior citizens na kaya pang magtrabaho.
Giit ni Hontiveros mahalagang maipasa sa lalong madaling panahon ang kanyang panukala para mapagaan naman ang buhay ng mga senior citizen na may kidney disease kung saan ito ang pang pitong dahilan ng pagkamatay ng mga Pinoy ayon sa National Kidney & Transplant Institute. —ulat mula kay Cely Ortega-Bueno (Patrol 19)