Muling binuhay ng mga senador ang panawagan para sa agarang pagpasa ng panukalang batas na magbibigay ng emergency powers para kay Pangulong Rodrigo Duterte.
Ito’y matapos mapaulat na nalulugi ang Pilipinas ng 3.5 bilyong piso kada araw dahil sa matinding pagsisikip ng daloy ng trapiko, lalo na sa Metro Manila.
Ayon kay Senator Grace Poe, pinuno ng Senate Committee on Public Services, dapat noong isang taon pa naipasa ang emergency powers bill o ang Senate Bill 1284 na ngayo’y nakabinbin pa rin sa plenaryo.
Giit ni Poe, mahalagang magkaroon pa ng reliable at kombinyenteng mass transit system, alternatibong kalsada at tulay, makabagong traffic management solutions at lumikha pa ng economic centers sa labas ng Maynila upang mapaluwag ito.
Magugunitang iniulat ng Japan International Cooperation Agency o JICA na 3.5 billion pesos ang nalulugi sa ekonomiya ng bansa kada araw dahil sa matinding trapiko, mas mataas sa 2.4 billion pesos noong 2014.
—-