Lusot na sa ikatlo at huling pagbasa sa Senado ang panukalang batas na nagpapababa sa height requirement sa mga nagnanais maging pulis, bumbero at bantay sa mga bilangguan.
Dalawampu’t tatlong (23) senador ang bumoto pabor sa Senate Bill Number 1563 o Height Equality Bill.
Sa ilalim ng panukala, ibinababa sa 5 feet 2 inches ang minimum na height requirement sa mga lalaki at 5 feet o saktong limang talampakan sa mga babae na nais pumasok sa Philippine National Police, Bureau Of Fire Protection, Bureau of Jail Management and Penology at Bureau of Correction.
Habang inaalis naman ang height requirement samga katutubo, kasapi ng cultural communities o indigenous people.
Kaugnay nito, sinabi ni Senador Ronald Dela Rosa, sponsor ng height equality bill na hangad ng panukala na mas mabigyan ng pagkakataong mabibiyayaan ng batas ang mga kulang sa sukat.
Naipakita aniya nito na ipinagtatanggol ng senado ang mga maliliit, literal man at figuratively. —ulat mula kay Cely Ortega Bueno (Patrol 19)