Isinusulong ngayon sa senado ang panukalang batas na nagbibigay ng kapangyarihan sa Food and Drugs Administration (FDA) na mag-isyu ng emergency use authorization kapag may public health emergency.
Paliwanag ni Sen. Francis Tolentino, naghain ng panukala, walang batas na nagsasaad ng ganitong kapangyarihan ng FDA.
Hindi rin aniya ito nakasaad sa batas na lumikha sa FDA at wala rin ito sa Bayanihan To Recover As One Act o Bayanihan 2.
Sa bisa lamang umano ng Executive Order number 121 na inisyu ng malakaniyang noong December 1, 2020 kaya nagkaroon ng kapangyarihan ang FDA para sa EUA.
Ngunit ayon kay Tolentino, batay sa Administrative Code of the Philippines, ang mga Executive Order ay hindi maaaring mag-amyenda, magdagdag o bumago sa mga batas gaya ng FDA law.
Layon aniya ng Senate Bill number 2024 na gawing institutionalized o nasa batas ang kapangyarihan ng FDA na mag-isyu ng EUA sa mga vaccine manufacturer.