Inihain na sa senado ang panukalang batas na layuning pagbawalan ang mga employer na papasukin ang kanilang mga empleyado upang mag-trabaho kahit rest day.
Layunin ng Senate Bill 2475 o Proposed Workers’ Rest Law na isinusulong ni Senador Francis Tolentino na protektahan ang day off ng mga empleyado at parusahan ang mga employer na lalabag.
Ipinunto ni Tolentino na bagaman may magandang benepisyo ang work-from-home at telecommuting arrangements, nawawala naman ang work-life balance maging ang personal space at oras ng empleyado.
Ipinunto ng senador na sa halip na mawala ang stress dulot ng trabaho kapag day-off at nasa bahay lamang, inuuwi na ngayon ang trabaho at kahit saan na ito dinadala dahil sa makabagong teknolohiya.
Dahil anya lumawak ang “control” ng mga employer at lumalampas pa sa working hours sa pamamagitan ng cellphone at email, nawawala na ang tinatawag na personal boundaries ng mga empleyado.
Itinatakda rin sa bill ang rest hours ng mga empleyado at pinagbabawalan ang mga employer na tawagan o kontakin ang mga manggagawa nang wala nilang permiso kapag day-off. —sa ulat ni Cely Ortega Bueno (Patrol 19)