Nakatakdang ihain ni Senator Jinggoy Estrada ang panukalang “Online Death Verfication System Act” upang matigil ang mga kaso ng bogus claims, ghost voters at identity theft.
Sa ilalim nito, itatatag ang Philippine Death Check Register, isang centralized electronic database na maglalaman ng mortality data na irerehistro sa local civil registrar na siya namang pangangasiwaan ng Philippine Statistics Authority (PSA).
Ayon kay Senator Estrada ang pagkakaroon ng Online Death Verification System ay paraan upang maiwasan ang mga kaso ng identity theft ng mga yumao.
Napatunayan na anya sa maraming imbestigasyon ng senado na nagagamit ang pangalan ng mga yumao sa mga fraudulent payment claims, dayaan sa halalan at iba’t ibang uri ng panloloko kaya panahon na para ito ay mapigilan
Para magkaroon ng mahusay na sistema, bibigyan ng PSA ng agarang access dito ang PhilHealth, COMELEC, GSIS, SSS, Home Development Mutual Fund (HDMF) at Philippine Veterans Affairs Office upang mapigilan ang identity fraud.
Mahaharap sa multang P500,000 hanggang P4 milyon at pagkakakulong ng mula tatlo hanggang anim na taon ang sinumang mapapatunayan na sinadya ang paglabag sa pagkuha ng mga impormasyon sa naturang Online Death Verification System. —sa ulat ni Cely Ortega-Bueno (Patrol 19)