Iginiit ng isang grupo na dapat panatilihin ang mga kasalukuyang non-working holidays sa bansa bilang pagkilala sa mga manggagawang Pilipino o ang mga tinatawag na rank-and-file employees.
Ayon kay Atty. Filemon Ray L. Javier, tagapagsalita ng Trabaho Partylist, tutol sila sa maaaring panukala rito dahil lubusang maaapektuhan ang kalagayan ng mga manggagawa kung babawasan ang mga non-working holidays.
Sabi ni Javier, ang pagtamasa ng holiday o pagkakaroon ng premium pay kung papasok nang holiday ay benepisyo na nakareserba para sa mga ordinaryong manggagawa o rank-and-file employees.
Paliwanag niya, nagsisilbing daan ang mga holidays na ito upang makapagpahinga o makasahod man lang nang may dagdag-premium ang mga manggagawa para sa kani-kanilang pamilya.
Kaakibat aniya sa doktrina ng holiday economics ang mga holiday subalit napapalakas nito ang lokal na turismo dahil naeenganyo ang mga manggagawa na tangkilikin ang mga bakasyunan sa bansa.
Ipinunto ni Javier na maaaring magsilbing oportunidad din ang mga holiday para sa mga kumpanya upang mag-imbentaryo, mag-general cleaning o maintenance ng kanilang mga pasilidad at makina, bukod pa sa pahinga.
Samantala, iminungkahi rin ng Trabaho Partylist spokesperson na dapat pagtuunan ng pansin ang pagpapalakas ng ekonomiya, pag-akit ng mas maraming investors, pagpapatibay ng kakayahan ng mga manggagawang Pilipino, at pagpapadali ng mga proseso para sa mga negosyante na kabilang sa mga adbokasiyang isinusulong ng grupo.