Kapwa lusot na sa ikatlo at huling pagbasa sa Senado at Kamara ang panukalang Bangsamoro Basic Law (BBL) na pinaniniwalaang susi para matamo ang pangmatagalang kapayapaan sa Mindanao.
Madaling araw kanina nang aprubahan ng Senado ang kanilang bersyon kung saan, 21 ang pabor at walang tumutol o nag-abstain.
Habang sa Kamara, 226 na mga mambabatas ang bumoto para ipasa ang kanilang bersyon ng BBL, 11 ang tumutol at dalawa ang nag-abstain.
Magugunitang sinertipikahang urgent ni Pangulong Rodrigo Duterte ang BBL upang ganap nang masimulan ang pagtatatag ng isang bagong Bangsamoro Region kapalit ng kasalukuyang Autonomous Region in Muslim Mindanao.
Pagpasa sa BBL, sadyang inihabol para sa SONA – Analyst
Tila inapura ng administrasyon ang pagpasa ng Bangsamoro Basic Law sa dalawang kapulungan ng Kongreso upang maihabol sa State of the Nation Address o SONA ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Iyan ang pananaw ng Political Analyst na si Atty. Tony Laviña upang maihabol umano sa mga accomplishment ng administrasyon lalo’t ito ang unang hakbang para maisulong ang plano ng Pangulo na itaguyod ang pederalismo sa bansa.
Kasunod nito, pinayuhan naman ni Atty.Laviña ang mga mambabatas na mag-ingat sa pag-aapruba lalo na sa mga kontrobersyal na amendments lalo’t may mga nakikita siyang probisyon dito na labag sa Saligang Batas.
Magugunitang kapwa inihabol ng dalawang kapulungan ng Kongreso ang pagpasa sa ikatlo at huling pagbasa ang BBL matapos itong sertipikahang urgent ng Punong Ehekutibo.
—-