Ibinasura ng Philippine Medical Association (PMA) ang panukala na bigyan na ng lisensya ang mga hindi pa nakatapos ng licensure examination para maging ganap na doktor.
Ayon kay Dr. Benito Atienza, bise presidente ng PMA, malalabag ang medical act kapag otomatikong binigyan ng lisensya ang mga hindi pa nakapagtatapos ng licensure exams.
Sinabi ni Atienza na naniniwala syang sapat naman sa kasalukuyan ang bilang ng doktor sa bansa para tugunan ang pangangailangan sa pagharap sa COVID-19 dahil sa PMA pa lamang ay mahigit 80,000 na ang kanilang miyembro.
Maaari din anyang tumulong sa kanilang ang mga doktor na hindi pa nakapagtatapos ng licensure exam.
Matatandaan na sa apat na araw na licensure exam para sa may 1,500 graduates ng medisina nitong Marso, dalawang araw dito ang inabutan ng community quarantine.
Ang otomatikong pag-isyu ng lisensya sa mga hindi pa nakapagboard exam ay iminungkahi ni Senador Francis Tolentino.