Makakukuha ng kumpiyansa at tiwala ang publiko na magpabakuna kung ito’y may katiyakan na makatatanggap ng sapat na tulong oras na makaranas ng ilang side effect ng bakuna kontra coronavirus disease 2019 (COVID-19).
Ito’y ayon kay Senadora Nancy Binay sa pagsusulong ng panukalang batas na magbibigay ng kompensasyon sa makararanas ng ‘adverse events’ o ‘side effect’ ng bakunang ibibigay ng gobyerno gaya ng COVID-19 vaccine.
Mababatid na sa Senate Bill No. 2015 ni Binay, nakasaad ang pagtatayo ng vaccine indemnification fund na pagkukunan ng kompensasyon para sa maaapektuhan ang kalusugan.
Popondohan ito ng gobyerno at ng pharmaceutical companies na bibilhan ng bakuna.
Oobligahin din ang pharmaceutical company na magbigay ng hanggang 1% ng total contract price ng bakuna na kanilang isusuplay.
Paliwanag ni Binay, ito na rin daw ang magiging alternatibo sa mahaba at matagal na proseso ng pagdedemanda o paghahabol sa vaccine manufacturer o supplier.
Oras na maging ganap na batas ang naturang panukala, pangangasiwaan ito ng vaccines compensation board na pamumunuan ng Justice secretary bilang chairman at magiging kasapi ang iba pang myembro ng gabinete. —ulat mula kay Cely Ortega-Bueno (Patrol 19)