Pinalagan ng Department of Finance ang panukalang bigyan ng tax exemptions ang mga electric vehicles o e-vehicles.
Ayon kay Finance Usec. Bayani Agabin, nabibigyan naman ng sapat na incentives ang ilang mga negosyo sa bansa kabilang na rito ang mga nasa sektor ng transportasyon.
Binigyang diin din ni Agabin na suportado nila ang pagsusulong ng maayos na kapaligiran sa pamamagitan ng e-vehicles.
Ngunit aniya, may pangangailangan din sa pagpapataw ng buwis sa mga negosyo lalo na sa pagpapatupad ng Tax Reform for Acceleration and Inclusion o TRAIN Law na tiyak din naman umanong mapapakinabangan rin ng e-vehicles sector.
Una rito, ipinanukala ni Senate Energy Committee Chair Sen. Sherwin Gatchalian ang pagkakaloob ng tax exemptions sa mga e-vehicles para mas maging abot kaya ito kumpara sa mga sasakyan na gumagamit ng fossil fuels lalo na ang diesel.