May matatanggap nang subsidiya ang mga mahihirap na pamilyang informal settler sa Metro Manila at iba pang malalaking lungsod sa bansa para maka-renta ng bahay.
Ito ang tiniyak ni senate committee on urban planning, housing and resettlement chairman Francis Tolentino sa sandaling maipasa na ang panukalang Rental Housing Subsidy Program Act.
Ayon kay Tolentino, layon ng nasabing panukala na bigyan ng buwanang subsidiya ang mga informal settler family na nakatakdang mabigyan ng relokasyon.
Naaprubahan na ang nasabing panukala sa komite sa senado at isasalang naman ito sa plenaryo para isalang sa pagbusisi gayundin sa debate.
Tatagal aniya ito ng limang taon hanggang sa ganap nang makahanap ng malilipatang bahay ang pamilyang informal settler na taliwas sa dati nilang pamumuhay.
Una rito, inamin ni Tolentino na naantala ang dapat sana’y mga proyektong pabahay ng pamahalaan dahil sa COVID-19 pandemic kaya’t ito ang nakikita nilang isa sa mga solusyon para mailayo sa banta ng virus ang mga walang tahanan.