Aprubado na sa ikalawang pagbasa sa Kamara de Representates ang panukalang batas na humihiling ng muling pagpapaliban sa Barangay at Sangguniang Kabataan elections sa Mayo 14.
Naganap ang botohan dalawang araw lamang matapos makalusot sa kontrobersyal na pagdinig ng House Suffrage Committee ang House Bill 7378.
Tanging sina ACT Teachers Party-List Rep. Antonio Tiño, Buhay Party-List Rep. Lito Atienza at Kabataan Party-List Rep. Sara Elago ang tumutol sa nasabing panukala.
Ayon kay Elago, walang dahilan para ipagpaliban pang muli ang Barangay at SK Elections lalu’t sinabi na ng Commission on Elections na nakahanda na sila para dito.
Malinaw aniya na nais lamang ng mayorya na isingit ang plebisito sa panukalang Charter Change sa Oktubre para na rin sa pagpapalawig sa posisyon ng mga opisyal.
Sa ilalim ng House Bill 7378, sa halip na sa Mayo 14 itinatakda na lamang sa ikalawang Lunes ng Oktubre ang Barangay at SK elections.