Nangangamba ang grupong Bayan Muna sa maaaring kahinatnan sakaling matuloy ang mungkahi ng Department of Interior and Local Government (DILG) na buhayin ang anti-subversion law na layong walisin sa lipunan ang mga progresibo at komunistang grupo.
Ayon kay Bayan Muna Rep. Carlos Isagani, posibleng bumalik sa diktaturya at dadami ang kaso ng pang-aabuso sa karapatang pantao sa ilalim ng naturang militarist proposal.
Ganito rin halos aniya ang umiral noong panahon ng martial law ni dating pangulong Ferdinand Macos kung saan walang kalayaan sa pagpapahayag.
Higit umanong apektado rito ang mga inonsenteng mamamayan upang mapagtakpan ang lumalalang kapalpakan ng administrasyong Duterte.
Drilon tutol sa muling pagbuhay sa anti-subversion law
Mariing tinutulan ni Senate Minority Leader Franklin Drilon ang panukalang muling pagbuhay sa anti-subversion law.
Matatandaang ipinanukala ni DILG Secretary Eduardo Año ang pagbuhay sa anti-subversion law kasunod ng nadiskubreng recruitment ng rebeldeng grupo.
Ayon kay Drilon, ayaw niyang maalala ng tao ang kongreso na bumubuhay ng patay nang batas.
Sa halip na subversion bill, nangako si Drilon na isusulong ang mga panukalang batas na magpapalakas kontra terorismo.
Sa panulat ni Rianne Briones