Kokonsultahin pa ng liderato ng senado ang iba pang mga senador sa panawagan ng anim nilang kasamahan na muling busisiin ng Committee of the Whole ang pagtugon ng pamahalaan sa pandemya gayundin sa muling pagtaas ng mga kaso ng COVID-19 sa bansa.
Ayon kay Senate President Vicente Sotto III, may teknikalidad sa muling pagbubukas ng pagdinig COW sa naturang usapin.
Mababatid na nauna rito, sumulat kay Sotto ang anim na senador mula sa oposisyon maging ang mga majority bloc senators na sina Senate President Pro Tempore Ralph Recto at Senadora Nancy Binay.
Ayon naman sa mga senador sa oposisyon, nais nilang busisiin ang mga ginagawa ngayon ng iba’t-ibang ahensya ng gobyerno.
Bunsod ito ng nakikitang kakulangan sa COVID-19 testing, contact tracing at isolation sa gitna ng pagpapairal ng enhanced community quarantine (ECQ).
Anila, mismong si contact tracing czar Baguio City Mayor Benjamin Magalong ang nagsabi na kapos ang contact tracing.
Sa hinihiling na senate hearing, pakay din na kalampagin ang ehekutibo para alamin ang mga ahensya ng gobyerno na may nakaimbak pang pondo na maaring ilabas at gamiting pang ayuda.
Sa huli binigyang diin ng mga senador na nais paimbestigahan ang pagtugon ng pamahalaan sa gitna ng quarantine, na pera ang kailangan ng marami.