Naninindigan ang ilang law experts na labag sa batas ang isinusulong na Charter Change o Cha-Cha sa kamara sa pamamagitan ng isang resolusyon.
Ayon kay Fr. Joaquin Bernas, isa sa mga may-akda ng Saligang Batas, ang pagkakaroon ng resolusyon ng kongreso ay hindi nangangahulugang malaya na nilang magagawa ang pag-amyenda sa konstitusyon.
Paliwanag ni Bernas, kung aamyendahan man ito ay dapat sa pamamagitan ng constitutional convention na bagama’t magastos ay makasisiguro naman na mabubusisi ang mga probisyon na kailangang baguhin at mapanatag ang publiko sa halip na iasa lamang ito sa kongreso.
Sinabi naman ni San Beda College of Law Dean Ranhilio Aquino na labag sa Article 17, Section 1 ng konstitusyon ang nais na gawin ni House Speaker Sonny Belmonte na sa resolusyon lamang ng kamara ay puwede nang galawin ang Saligang Batas.
By Jelbert Perdez | Bert Mozo (Patrol 3)