Nilagdaan na ni Pangulong Rodrigo Duterte ang panukalang maging ganap na batas ang pagtiyak sa kaligtasan ng mga bata na nakasakay sa mga sasakyan.
Nakasaad sa Republic Act 11229 o Child Safety in Motor Vehicles Act na obligado ang driver na i-secure ang batang pasahero na 12-taong gulang pababa sa pamamagitan ng child restraint system habang nasa biyahe sa kalsada o highway.
Maaaring gumamit ng device na kayang magsakay ng batang pasahero sa paupong posisyon na ang disenyo ay layong mabawasan ang pinsala sakaling magkaroon ng aksidente o anumang banta sa kaligtasan ng bata.
Ang device ay dapat angkop sa edad, taas at timbang ng bata at dapat aprubado alinsunod sa safety standards para sa child restraint system.
Inaatasan din dito ang Department of Transportation (DOTr) na bumalangkas ng mga panuntunan na magtitiyak sa kaligtasan ng mga may dalang bata na sumasakay sa pampublikong sasakyan.
Ipinaubaya naman sa Department of Trade and Industry (DTI) ang paglalabas ng mga standard base na mga kagamitan para matiyak ang kaligtasan ng mga bata.
Ayon sa Philippine Statistics Authority o PSA nasa average na 667 bata na may edad 14 pababa ang namamatay kada taon mula 2006 hanggang 2015 dahil sa vehicular accidents.
—-