Welcome sa PHIVOLCS ang panukalang magsagawa ng cloud seeding sa mga lugar na matinding naapektuhan ng ash fall dala ng pagputok ng Bulkang Taal.
Ayon kay Department of Science and Technology (DOST) Undersecretary at PHIVOLCS Director Renato Solidum, sa kabuuan ay isang magandang ideya ang cloud seeding para makatulong ang mabubuo nitong ulan sa paglilinis ng mga ibinugang abo ng Taal Volcano.
Gayunman, iginiit ni Solidum na kinakailangang mapagplanuhan at mapag-aralan nangg maigi ang pagpapatupad nito.
Aniya, dapat makita kung gaano kalaki o dami ang magagawa nitong ulan at kung saan ito babagsak dahil maaari itong magresulta sa pagbaha at pamumuo ng lahar.
Dagdag ni Solidum, nakalilikha din ng sariling ulan ang pagsabog ng Taal tulad noong unang pagbuga nito ng abo noong Linggo, ika-12 ng Enero.