Aprubado na sa Ways and Means at Appropriations Committees ng mababang kapulungan ang panukalang naglalayong magbigay ng karagdagang benepisyo para sa mga single parents.
Ayon sa mga mambabatas, ito ang magiging kasagutan sa kapos at mababang benepisyong natatanggap sa ilalim ng kasalukuyang RA 8972.
Ayon kay Gabriela Partylist Representative Arlene Brosas, umaasa silang ito na ang tutugon sa mga pasaning problema ng mga single parents sa bansa.
Kabilang sa mga ipinanukalang bagong benepisyo ay pagkakaruon ng 10% diskwento at exemption sa VAT sa mga pangangailangan ng mga bata gaya ng damit, vitamins, gamot, school supplies, at iba.
Bukod pa riyan, inatasan din ang ilang ahensya ng pamahalaan na iprayoridad ang mga single parents at mga anak nito sa livelihood at education programs.
Samantala, ayon sa Gabriela, kanilang ipagpaptuloy ang konsultasyon sa samahan ng mga single parents para malaman kung anu-ano pa ang mga maaaring maitulong sa mga ito.