Malabong maipasa ang panukalang ibalik ang death penalty bill sa ikalawang regular na sesyon ng ika-17 Kongreso.
Ito ang kinumpirma ni Senate Minority Leader Franklin Drilon kasunod ng naging pagpupulong ng dalawang kapulungan ng Kongreso bago magbukas ang sesyon.
Kasunod nito, binigyang diin pa ni Drilon na may mga kasunduang nilagdaan ang Pilipinas sa international community.
“Sa aking pagbasa ay walang sapat na boto ang mga pro death penalty kaya hindi maitulak ni Senate President Pimentel na isama sa legislative agenda ng Senado dahil maraming nag-aalangan at tumututol sa ganitong klaseng pagbabago ng batas tungkol sa death penalty.” Ani Drilon
Ayon kay Drilon, maraming dapat ikunsidera sa pagpasa sa nasabing panukala partikular na sa larangan ng ekonomiya at kakulangan ng justice system sa bansa.
“Sa ngayon ay may tinatawag na general system of preference na kung saan mahigit sa 6,000 produkto na galing sa Pilipinas ay walang taripa pagpasok sa European Union, nangunguna diyan ang ating tuna, pumapasok ‘yan sa EU countries nang walang taripa, libreng pumapasok yan.” Pahayag ni Drilon
Tax reform package
Dapat manatili sa Senate Committee on Ways and Means ang pagtalakay sa panukalang comprehensive tax reform measure na isinusulong ng Duterte administration.
Ito’y ayon kay Senate Minority Leader Franklin Drilon ay bilang paggalang sa nasimulan ni Ways and Means Committee Chairman Sonny Angara hinggil dito.
Ayon kay Drilon, hindi matatawaran ang ginawa ni Senador Angara sa nasabing panukala bagama’t hindi rin naman siya kontra sa planong magkaroon ng Committee of the Whole para sa nasabing panukalang batas.
“Wala akong problema sa Committee of the Whole but I think si Senator Angara is doing a good job, during the break may 5 o 7 hearings silang ginawa at handa ang kanyang komite na tapusin at maghain ng committee report, I have attended several hearings at andami nang nag-aattend at nagbibigay ng opinyon, hindi ako papayag na alisin ang tax reform bill sa komite ni Senator Angara.” Dagdag ni Drilon
By Jaymark Dagala | Usapang Senado Interview