Ipinanukala ni Camarines Sur Representative Luis Raymund Villafuerte ang pagbuo ng “Department of Climate Change” na tututok sa pagiging handa at magpapalakas sa pagharap ng bansa sa mga kalamidad.
Ayon kay Villafuerte, isang seryosong usapin ang climate change dahil nakakaapekto na ito sa ating ekonomiya at higit sa lahat sa kaligtasan ng mamamayan.
Hadlang aniya ang kakayahan ng bansa sa pagharap sa mga weather patterns na pinalalala ng climate change para abutin ng kasalukuyang administrasyon ang mas progresibong ekonomiya dahil sa apat na porsyento ng gross domestic product ang nalulugi umano sa tuwing may malakas na bagyong dadaan sa bansa.
Layon ng panukalang ito na may isang kagawaran ang mamahala sa National Disaster Risk Reduction Management Council (NDRRMC), Office of the Presidential Assistant for Rehabilitation and Recovery, Climate Change Commission, People’s Survival Fund, at maging ang recovery at rehabilitation efforts para sa mga biktima ng Yolanda.